Isinulat Nina: Samantha Faye O. Tan at Jan Mariel C. JaIsinulat ni Angela A. Trumata

Ang Buwan ng Wika ay isang taunang pagdiriwang sa Pilipinas tuwing Agosto bilang kapahayagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino na may iba’t ibang kultura at katutubong wika. Sa unang pagkakataon, mula nang magbago ang moda ng pag-aaral dulot ng pandemyang Covid-19, ay matagumpay na naipagdiwang ng Holy Cross High School ang buwan ng wika sa taong ito nang face to face. Ginanap ito noong ika-31 ng Agosto 2022 ayon sa temang: “Filipino at mga Katutubong Wika, Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.” Ang programa ay pinasinayaan ng dalawang guro sa Filipino na sina Gng. Stella Maris L. Gotual at Bb. Jessel D. Cabañog.

Ang mga piling mag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya ay naghandog ng sari-saring mga presentasyon. Ang unang pagtatanghal ay nagmula sa dalawang mag-aaral ng ika-9 na baitang na sina Kurt Lastimosa at Hyacinth Abuyabor na kumanta ng “Ikaw at Ako” ni Moira Dela Torre. Sinundan ito ng mga mag-aral ng unang baitang na sumayaw ng “Hypa”. Katutubong sayaw naman na Cariñosa at Pantomina ang inihandog ng mga mag-aaral sa ika-8 baitang. Pagkatapos nito ay naghandog ng isang sayaw sa awiting Bahay Kubo ang mga mag-aaral sa ika-3 baitang. Hindi naman nagpahuli ang iba pang kasapi ng departamento ng Junior High School. Naghandog ng magagandang awitin ang mga nasa ika-9 na baitang na pinamagatang “Habang buhay” ni Zach Tabudlo at “Panalangin” ng APO Hiking Society. Ang mga nasa ika-10 baitang naman ay nagtanghal ng kanilang kontemporaryong sayaw sa mga awiting tumatalakay sa iba’t ibang uri ng pag-ibig, ito ay “Sayo” ng bandang Silent Sanctuary, “Kumpas” ni Moira Dela Torre, at “MAPA” ng Ppop group na SB19.

Sa huling bahagi ng programa ay nagkaroon ng patimpalak sa Lakan at Lambini 2022. Ang mga kalahok ay piling mga mag-aaral mula sa ika-7 hanggang ika-12 baitang. Sinimulan ito sa pamamagitan ng pag-awit nina Dandy Catada at Lara Lagorra, mga mag-aaral sa ika-12 baitang, ng awiting “Balay ni Mayang” ni Martina San Diego. Bago ianunsyo ang mga nanalo ay naghandog muna ng isang sayaw ang mga mag-aaral sa ika-6 na baitang sa awiting “Mabagal” nina Daniel Padilla at Moira Dela Torre. Ang kinorohanang bagong Lakan 2022 ay si G. Rex Tan ng ika-10 baitang at ang Lakambini 2022 naman ay si Bb. Sydney Taylor ng ika-11 baitang.

Sa pagtatapos ng programa, kasamang inanunsyo ang mga bagong napiling Supreme Pupil Government at Supreme Student Government officers ng HCHS. Sa di-kawasa, ang progrma ay sinarhan sa pamamagitan ng panapos na pananalita mula sa punongguro na si Dr. Profetiza S. Lim.

Tunay ngang isang masaya at matagumpay na pagdiriwang ang naganap sa huling araw ng Agosto. Matapos ang ilang taong hindi pagkikita dahil sa pandemya, muling nanumbalik ang ingay at kasiyahan sa paaralan. Sa tulong na rin ng mga mag-aaral, mga guro, mga tauhan, at mga tagapamahala na sumunod sa tamang mga protocol ay naidaos nang may kadakilaan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong 2022 sa Holy Cross High School.